Probe sa tanim-bala pinamamadali
MANILA, Philippines – Hinikayat ni Valenzuela Rep. Win Gatchalian ang liderato ng Kamara na madaliin ang imbestigasyon sa mga kaso ng laglag-bala sa Ninoy Aquino International Airport alinsunod sa inihain niyang House Resolution No. 2419.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng pangamba nito na sa halip na magdiwang ng Pasko sa ibang bansa ang ilang Overseas Filipino Workers ay sa kulungan na lamang dahil sa umano’y sindikato ng laglag-bala sa NAIA.
Bukod dito, umabot na rin umano sa 5,000 katao ang lumagda sa Change.org petition sa panawagang magsagawa ng agarang imbestigasyon sa nasabing modus operandi na umano’y bumibiktima sa mga OFWs at mga dayuhan.
Sa House resolution 2419 na inihain ni Gatchalian, nababahala ito dahil sa mismong ang mga tauhan ng Office of Transportation Security ang nagdadala ng bala sa kanilang bulsa na umano’y isa rin paglabag sa seguridad ng paliparan.
Ang OTS ay direktang nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Transportation and Communications.
Giit pa ni Gatchalian, wala nang kredibilidad ang mga tauhan ng OTS kaya ito na ang tamang panahon para magsagawa ng top to bottom revamp si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya Jr at magtalaga ng mga bagong tauhan na siyang mangangasiwa sa x-ray machines sa NAIA terminals.
- Latest