Pinas wagi vs China sa UN arbitration
MANILA, Philippines – Nakaiskor ang Pilipinas laban sa China matapos magdesisyon ang United Nations (UN) Arbitral Tribunal na mayroon itong hurisdiksiyon sa “maritime dispute” sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea.
Sa unanimous decision kahapon ng limang judges ng tribunal, may karapatan ito na dinggin ang isinampang reklamo ng Pilipinas laban sa China sa ilalim ng probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) upang maayos ang patuloy na iringan ng mga bansa sa WPS.
Ang panel ay pinamumunuan ni Judge Thomas A. Mensah ng Ghana bilang Pangulo ng Tribunal habang ang mga miyembro ay sina Judges Jean-Pierre Cot (France), Stanislaw Pawlak (Poland), Rüdiger Wolfrum (Germany) at Prof. Alfred Soons (Netherlands).
Sa 9-pahinang press release na ipinalabas ng Permanent Court of Arbitration, nilinaw na ang dispute ay hindi sa usapin ng soberenya na gaya ng iginigiit ng China.
Ngunit nilinaw ng tribunal na ang inilabas na desisyon ay walang kaugnayan sa merito ng kasong inihain ng Pilipinas.
Magkakaroon pa ng mga closed door hearing sa The Hague.
Pahayag pa ng tribunal, posibleng sa susunod na taon pa sila makapagpalabas ng pinal na pasya sa kaso ng Pilipinas.
Pero pito lamang sa 15 claims na inihain ng Pilipinas ang tatalakayin ng tribunal.
Kabilang dito ang isyu kung ang Scarborough Shoal at iba pang area na nakikita lang tuwing low tide kagaya ng Mischief Reef ay maituturing na isla na siyang iginigiit ng China.
Sisiyasatin din ng tribunal kung nakialam ang China sa fishing activities ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Ang pito pang claim ng Pilipinas kagaya ng akusasyon na hindi sang-ayon sa batas ang ginagawa ng Beijing sa South China Sea ay isasama kapag tinalakay na ang merito ng kaso ng Manila.
Taong 2013 ay nagsampa ng arbitration case ang Pilipinas sa UN matapos ang serye ng harassments, pambu-bully at pagpapalawak ng teritoryo ng China sa West Philippine Sea kabilang ang mga itinayo nitong mga artipisyal na isla sa lugar.
- Latest