Kuwalipikasyon, track record seryosong isyu sa kandidato
MANILA, Philippines – Seryosong usapan ang kuwalipikasyon at track record ng isang kandidato para maging pangulo ng bansa.
Ito ang idiniin kahapon ni Daang Matuwid spokesperson Congressman Barry Gutierrez bilang tugon sa reaksyon ni Sen. Grace Poe sa akusasyon ng kakulangan nito ng karanasan sa pamamahala kumpara sa ibang kandidatong presidente tulad ni Mar Roxas na standard bearer ng Liberal Party.
Ikinagulat umano ni Gutierrez ang hindi diretsahang pagsagot ni Poe sa isyung wala pa siyang limang taon sa gobyerno pagdating sa track record sa public service simula nang i-appoint siya bilang chairman ng MTRCB noong 2010.
Bukod pa dito ang isyung citizenship na umano ay napilitan ni Poe na bitawan ang kanyang US citizenship dahil bawal sa mga kawani ng gobyerno ang may ibang citizenship.
Lagi umano nitong inilihis ang usapan kapag ang nasabing isyu na ang tinatanong sa kanya na tila nagpapa-cute ito sa kanyang mga sagot na walang laman na nais lang nitong magkaroon ng sound bite sa mga balita.
- Latest