Trust Fund sa magniniyog aprub na sa Kamara
MANILA, Philippines – Nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang magpapa-angat sa kalagayan ng milyun-milyong magniniyog sa bansa, na si Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo ang isa sa may-akda.
“Ang panukalang ito ay isa sa ating mga hangarin na maiangat ang kalagayan ng lahat ng sektor sa bansa,” wika ni Robredo, isa sa mga nagsumite ng House Bill No. 5629 o ang Coconut Farmers’ Trust Fund Bill.
Layon ng panukala na magbuo ng trust fund mula sa mahigit P70 bilyong coco levy fund na gagamitin sa kapakanan at pag-unlad ng sektor ng magniniyog.
Ayon kay Robredo, isa sa mahihirap na sektor sa agrikultura ang mga magniniyog, batay na rin sa huling ulat ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS).
Sa ulat ng BAS, kumikita ang mga magniniyog ng P16,842 hanggang P23,000 kada taon, malayo sa average na P61,000 na kita ng isang agricultural household sa bawat taon.
Sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), 41 porsiyento ng mga magniniyog ay nasa ilalim ng poverty line.
Ang bilyung-bilyong coco levy fund ay nagmula sa iba’t ibang uri ng buwis na ipinataw sa mga magniniyog mula noong 1971 sa bisa ng ilang Presidential Decrees.
Ang pondo ay inilagay sa pamamahala ng Philippine Coconut Authority (PCA) ngunit hindi naman nagamit para sa kapakanan ng mga magsasaka.
- Latest