18-taon sa ex-Sarangani governor sa agri relief scam
MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng 18 taon ang dating governor at dating agriculturist ng Sarangani province matapos mapatunayang guilty sa kasong malversation of public funds na may kinalaman sa implementasyon sa P1.44-milyong halaga ng relief program para sa mga magsasaka noong 2001.
Sa 23 pahinang ruling na ipinalabas ng Sandiganbayan Special Third Division, si dating Sarangani governor Miguel Escobar at ex-provincial agriculturist Romeo Miole ay napatunayang nag-divert ng naturang halaga ng mga agricultural relief items na laan sana sa mga magsasaka na biktima ng La Niña sa mga nooy political supporters ng akusado.
Pinagmumulta rin ng graft court sina Escobar at Miole ng P1.44 milyon bawat isa at pinagbawalan ng pumuwesto sa anumang tanggapan ng gobyerno.
Sa rekord, naglunsad ang Sarangani provincial government ng Sagip Taniman Program noong 2001 para mabigyan ng sako ng bigas at buto ng mais ang mga magsasaka sa lalawigan na nabiktima ng La Niña.
Sa mga papeles, nakasaad na may 1,875 sako ng bigas at 240 sako ng hybrid corn at rice seeds ang naipamahagi sa mga magsasaka sa lalawigan at ilang miembro ng indigenous tribes doon.
Pero noong 2002, ilang tribal leaders at mga magsasaka ang humingi ng tulong sa provincial government at nagsabing hindi pa nila natatanggap ang sinasabing ayuda mula nang wasakin ng La Niña phenomenon ang kanilang pananim.
Sinasabi ng COA na ang kontrata para sa agricultural relief items ay nai-award sa supplier na hindi accredited ng National Food Authority at hindi rin kinilala ng naturang mga opisyal ang target areas na taniman ng mais at palay.
Nalaman din ng COA na ang mga relief items sa halip ipamigay sa mga magsasaka at tribal leaders ay naibigay sa mga kilalang Escobar bilang bahagi ng kanyang political reward, isang linggo bago ang barangay election sa lugar.
- Latest