Junjun Binay pinuri ng COA
MANILA, Philippines – Pinapurihan ng Commission on Audit ang mga natamong tagumpay ng pamahalaang-lunsod ng Makati sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Junjun Binay noong 2014.
Ipinahayag ng mga state auditor na ang Makati ay nakatanggap ng isang “Blue Certification Award” mula sa Ombudsman dahil sa mahusay na pagtalima sa pamantayang pangnegosyo na pabor sa mga negosyo at laban sa fixing.
Sinabi pa ng COA na kabilang sa malaking nagawa ng pamahalaang lunsod ang kontrobersiyal na Makati Science High School.
Sa taunang audit report na ipinalabas kamakailan, sinabi ng mga state auditor na 11 departments o offices ng lokalidad ang naisyuhan ng ISO certification dahil sa patuloy na pagsisikap at paghahatid nito ng mga may kalidad na serbisyo.
Pinagkalooban din anila ang lunsod ng platinum awardee ng ISO 37120 on Sustainable Development of Communities mula sa World Council on City Data na sumusukat sa mga nagagawa ng isang lunsod sa larangang sosyal, ekonomiya at kalikasan.
Nakatanggap din ang Makati ng most competitive city award sa 2014 Cities and Municipalities Index mula sa National Competitiveness Council na binubuo ng Department of Trade and Industry at ng pribadong sektor sa pakikipagtulungan ng United States Agency for International Development.
Bukod pa ito sa e-Readiness Leadership Award na ipinagkaloob sa Makati ng DILGt, DOST at DTI dahil sa inisyatiba ng lunsod sa pagsasanib ng information at communication technology para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko, mapahusay ang pagkolekta ng buwis at isulong ang transparency sa sistema at operasyon nito.
Inireport din ng COA na pinondohan ng Makati ang 70 proyektong imprastuktura na nagkakahalaga ng P4.035 bilyon.
Lumilitaw sa rekord na 53 proyekto o 75.71 porsiyento ang natapos na kinabibilangan ng mga gusaling pampaaralang pampubliko, pambayang gusali, pasilidad palakasan at sentrong pangkalusugan.
- Latest