Pabigat na buwis baguhin - Leni
MANILA, Philippines – Tahasang sinabi kahapon ni Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo na hindi patas ang sistema ng pagbubuwis sa bansa at kinakailangan na itong baguhin.
Sinabi ni Robredo na panahon na upang ayusin ang sistema ng pangongolekta ng income tax sa bansa upang maalis na ang pasanin ng mga empleyado, na siyang tinatamaan ng di pantay na sistema.
“Masyado nang outdated ang taxation system outdated sa bansa dahil ang basis nito dati pang income natin,” wika ni Robredo sa isang panayam sa telebisyon.
“Ang tinatamaan dito ay iyong mga 8 to 5 employees na nabubuhay lang sa suweldo. Hindi sila nakakalusot sa pasanin ng pagbabayad ng malaking buwis,” dagdag ni Robredo.
Aniya, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago sa sistema upang mapagaan ang pasanin ng mga ordinaryong empleyado ng pamahalaan at pribadong sektor.
Sa paraang ito, tiwala si Robredo na masisingil din ng tama ang malalaking professional at mga negosyante na malaki ang kinikita.
- Latest