Government gagastos ng P1-B vs HIV sa 2016
MANILA, Philippines – Maglalaan ang gobyerno ng P1 bilyong pondo sa susunod na taon para labanan ang patuloy na pagdami ng bilang ng nagkakaroon ng HIV.
Ayon kay Sen. Ralph Recto, ang pondo para sa paglaban sa HIV/AIDS ay ipinako sa P1.08 bilyon sa 2016 na halos doble ang halaga sa alokasyon kumpara ngayong taon.
Kabilang sa gagastusan ang treatment at testing ng 35,000 kumpirmado at suspected cases.
Ang kalahati ng pondo o P500 milyon ay gagamitin sa pagbili ng anti-retroviral drugs samantalang ang matitira ay para sa test kits at reagents, P250 milyon; surveillance P50 milyon; at local prevention programs P200 milyon.
Sa kabila umano ng pagbaba ng bilang ng nagkakaroon ng HIV infections sa buong mundo, kabilang naman ang Pilipinas sa mga bansa na tumataas ang kaso ng nagkakaroon ng nasabing sakit.
Naiulat ang 772 bagong kaso noong Hunyo, ang pinakamataas sa record kaya nasa 26,456 ang bilang ng may HIV infections sa bansa.
Ayon pa kay Recto, base na rin sa pahayag ng mga health experts na humarap sa pagdinig sa Senado, posibleng “tip of the iceberg” pa lamang ang problema.
Kung noong 2008 umano ay isang kaso lamang ang naiiulat kada araw, noong June ay umabot sa 22 kaso kada araw.
- Latest






















