Abo ng yumao ‘wag gawing kwintas - Obispo
MANILA, Philippines — Nanawagan si Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga pamilyang nagpapasyang ipa-cremate ang kanilang mga yumao na huwag gawing palamuti sa kuwintas o personal na alaala ang mga abo.
Sa halip, dapat aniyang panatilihin ang paggalang at ilagak ang mga abo ng kanilang mga mahal sa buhay sa mga simbahan o itinalagang pampublikong lugar.
“Dapat ‘yung integridad ng mga yumao ay igalang natin. So hindi po ‘yan isang memory, alaala kaya aalahanin ko si tatay, kukuha ako ng ilang mga bahagi ng ashesy. Hindi po tama ‘yun, hindi po paggalang ‘yun, parang pinuputul-putol natin ang bahagi ng kanyang katawan. Hindi po ‘yung kukuha ng mga bahagi, kasi malaki rin ang pagkakataon na ‘yung mga kinukuha natin ng ashes ay maaaring ma-desecrate,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Una nang sinabi ng Simbahang Katolika na hindi nila hinihikayat ang pansamantalang pag-uuwi ng mga urn na naglalaman ng abo ng mga yumao.
Ayon kay Manila Cathedral vice rector Fr. Vicente Gabriel Bautista, ang mga urn na nailagay na sa nitso, ay hindi na maaari pang iuwi ng bahay kahit sa maikling panahon lamang.
Paliwanag niya, kaya natin sinasabing ‘rest in peace’ ay dahil nais nating magpahinga ang mga yumao sa kapayapaan ng Panginoon at malayo sa mga ingay.
Binigyang-diin pa niya na ang sementeryo at mga kolumbaryo ang lugar para sa mga patay upang mailayo sila sa ingay.
Nauna rito, inianunsiyo ng Mandaluyong City government na pinahihintulutan nila ang mga pamilya na iuwi muna ang mga urns mula sa Ash Repository sa columbarium ng Garden of Life Memorial Park mula Oktubre 22-29 ngunit dapat din itong ibalik sa Nobyembre 5.
Layunin nitong mabawasan ang bilang ng mga taong nagtutungo sa mga sementeryo at mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na magbigay ng respeto sa kanilang mga yumao.
Binigyang-diin naman ni Pabillo na mahalagang mapanatili ang integridad ng mga labi ng yumao upang maiwasan ang pagkawala, pagpapabaya o paglapastangan sa mga ito.
Hinikayat din naman niya ang mga pamilyang dadalaw sa mga sementeryo na maglaan ng panahon sa pananalangin at pagdalo sa Banal na Misa, lalo na sa Nobyembre 1 na matatapat sa araw ng Linggo ngayong taon.
Ayon sa Obispo, ang Undas ay dapat ding magsilbing pagkakataon upang muling magsama-sama ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan, kaya mahalagang gawing bahagi ng tradisyon ng pamilya ang sama-samang pagsisimba at pagdalaw sa mga yumao.
- Latest



















