PNoy kumambyo, alternative truth ibinasura: ‘SAF ang nakapatay kay Marwan’
MANILA, Philippines - Biglang kumambiyo si Pangulong Aquino sa pagsasabing ang PNP-Special Action Force (SAF) ang mismong nakapatay kay Zulkifli bin hir alyas Marwan noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao.
“SAF ang nandoon. Imposibleng pagdudahan pa na SAF ang kumuha at pumutol sa daliri ni Marwan,” wika ng Pangulo.
“Lahat ng salaysay ukol sa sinasabing alternatibong naratibo kaugnay sa Mamasapano incident ay wala ng basehan,” sabi pa ni PNoy.
Aniya, sa ngayon ay may 90 indibidwal ang haharap sa masusi at patas na pagsusuri kaugnay sa pagkakapatay sa 44 miyembro ng SAF sa Mamasapano kabilang ang mga miyembro ng MILF at BIFF.
“My duty is to find out who did it and bring them to justice. I don’t have to consult with the MILF for that,” dagdag pa ng Pangulo.
Aminado rin ang Pangulo na baka hindi matapos sa kanyang termino ang pagbibigay ng katarungan sa pagkasawi ng SAF 44 dahil nasa preliminary investigation pa lamang ang kaso at baka hindi daw magawa ito sa natitirang 287 days ng kanyang termino.
Ayon naman kay Atty. Vitaliano Aguirre, legal counsel ni dating SAF Commander ret. Police Director Getulio Napeñas, isinalba lamang umano ni PNoy ang kandidatura ni Mar Roxas kaya kumambyo na sa ‘alternative truth’ sa Mamasapano.
Una rito, sinabi ni PNoy na may ‘alternative truth’ sa Mamasapano matapos pakinggan ang bersiyon ng MILF na hindi SAF ang nakapatay kay Marwan.
Pero kahapon matapos isapubliko ang larawan ng SAF trooper na hawak ang pinutol na daliri ni Marwan ay kumambyo ang Pangulo sa pagsasabing walang dudang ang mga bayaning commandos nga ang nakapatay sa naturang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na may patong sa ulong $5 M.
Ayon pa kay Aguirre, mabuti naman umano at tuluyan ng naniwala si PNoy sa katotohanan pero iginiit na dapat noon pa nito ipinakita ang tiwala gayundin ang pagpapahalaga sa kabayanihan ng magigiting na SAF commandos.
- Latest