‘Dash cam’ oobligahin sa PUVs
MANILA, Philippines – Upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, oobligahin ng maglagay ng dashboard camera o dash cam systems ang mga Public Utility Vehicle o PUV sa bansa.
Ito ay sa sandaling maisabatas ang House Bill 6050 na inihain ni Parañaque Rep. Eric Olivarez na naglalayon ng mandatory installation ng mga camera sa mga pampublikong sasakyan tulad ng taxi at bus.
Nakasaad sa panukala na makakatulong ang ‘dash cam’ upang mamonitor at mai-record ang lahat ng mga nangyayari habang may byahe tulad ng pagdodokumento ng mga aksidente sa daan, mga lasing o inaantok na drivers, ugali ng mga otoridad sa pagmamando ng traffic at iba pang mga nagaganap.
Bukod dito sa tulong din ng camera ay mairerecord din ang mga paglabag ng driver sa hindi paggamit ng seatbelt, driving speed, pagpreno, direksyon at ruta sa byahe gayundin ang mga pasaway na pasahero.
Samantala kahit na naka-park lamang ang sasakyan ay maaari naman itong magsilbing surveillance camera laban sa mga kawatan.
Lumalabas din umano sa pag-aaral na 85% ng mga road accidents sa bansa ay bunsod ng driver error kung saan mas mataas ang intensyon na lumabag kapag mas marami ang nakikitang violations ng driver sa ibang mga drivers at kung walang traffic enforcers na nagbabantay.
Sa oras na maisabatas ang panukala, hindi na papayagan ang isang bus, taxi o kahit anong PUV na makapagparehistro o makapag-renew ng lisensya sa LTO kung walang GPS o dash cam matapos ang isang taong grace period na ibinigay.
Ang mga operator naman na mapapatunayang lumabag dito ay pagmumultahin ng P500,000.
- Latest