Diabetes, heart attack sakit na nakukuha sa trapik
MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na magkasakit ng diabetes, heart attack at obesity ang motoristang madalas na maipit sa mabigat na trapiko.
Ayon kay Philippine Heart Association Vice President at Cardiologist Dr. Raul Lapitan, unang tinatamaan ng stress na dulot ng pagkaipit sa trapiko ang cardiovascular system.
Sa katunayan, marami na aniyang pag-aaral ang nagpapakitang tumataas ang insidente ng atake sa puso at diabetes dahil sa tinatawag na “traffic jam stress.”
Sinisisi rin ng ilang pag-aaral ang stress sa trapik sa pagtaas ng obesity, lalo at walang aktibidad na nangyayari sa isang taong nasa loob ng sasakyan at ipit sa trapik.
Isa pa sa mga pangmatagalang sakit na puwedeng iwan sa tao ng araw-araw na pagkaipit sa trapiko, ay ang hypertension.
Bukod sa mga ito, malaki rin ang epekto ng “traffic jam stress” sa mental health ng isang tao, lalo kung araw-araw nag-iinit ang ulo sa trapik. Aniya, nagkakaroon ng anxiety, mood swings at iba pang psychological disturbances.
Paliwanag pa ni Dr. Lapitan na nagiging ugat din ito ng mga bayolenteng aksiyon, lalo’t nagmamadali ang isang taong makapunta sa kaniyang destinasyon.
“Yun na yung end effect. Nagkakaroon tayo ng, because of anger, gusto natin ma-achieve agad ‘yung goal na makarating tayo without you knowing it, may nakakabangga ka na, may nakakaaway ka na sa kalsada. Yan yung tinatawag na traffic rage,” dagdag pa ni Lapitan.
Marami ang nag-init na ulo lalo’t inabot sila ng limang oras makarating lang sa kanilang pupuntahan na dati naman, ay isang hanggang dalawang oras na biyahe.
- Latest