Sabi ng appointee ni Peña walang ghost employee sa Makati
MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng appointed official ni Makati City Acting Mayor Romulo Peña, Jr., na walang “ghost employees” sa Makati City Hall.
Ayon kay City Councilor Mayeth Casal-Uy, kinumpirma mismo ni Human Resource Development Office officer-in-charge Doris Villanueva sa konseho na walang ghost employees sa payroll ng pamahalaang lungsod.
Ang pagkumpirma ay ginawa umano ni Villanueva sa isinagawang joint committee meeting ng konseho nitong nakaraang linggo.
Nabatid pa kay Casal-Uy na tahasang sinabi ni Villanueva sa naturang committee meeting na walang ghost employees sa lungsod na taliwas sa paratang ni Peña at kaalyado nito.
Dahil dito, ayon kay Casal-Uy, hindi umano makatarungan ang mga paratang ni Peña kaugnay sa sinasabing may ghost employees sa city hall.
Dagdag pa ni Casal Uy, sa halip na magbitaw ng mga walang basehang alegasyon si Peña ay dapat asikasuhin na lamang nito ang mga benepisyong dapat na matanggap ng mga empleyado ng lungsod.
- Latest


















