Tolentino pinagbibitiw na
MANILA, Philippines – Pinagbibitiw na sa pwesto ng ilang kongresista si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at iba pang miyembro ng gabinete na tatakbo sa 2016 national elections.
Ayon kay ACT-CIS PL Rep. Samuel Pagdilao at Buhay partylist Rep. Lito Atienza, ang mga cabinet official lalo na ang mga deklarado nang sasabak sa halalan ay dapat nang lisanin ang kanilang posisyon sa gobyerno para malayang maisulong ang nais nila.
Giit ni Pagdilao, habang nasa pwesto ang mga opisyal, hindi maihihiwalay o maiiwasan na magamit nito ang oras at resources ng gobyerno para maikampanya ang mga sarili.
Si Tolentino ay patuloy na binabatikos dahil habang matindi ang problema sa daloy ng trapiko sa Metro Manila, naglilibot siya sa iba’t ibang mga probinsya
Bukod kay Tolentino, ang iba pang cabinet members na kakandidato sa 2016 polls ay sina DILG Sec. Mar Roxas, Justice Secretary Leila de Lima at TESDA Director General Joel Villanueva, na pawang nananatili pa rin sa kani-kanilang tanggapan.
Para naman kay Atienza, dapat ay agad na mag-resign si Tolentino lalo na ngayon na ang mga miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) na ang nagmamando ng trapiko sa kamaynilaan.
- Latest