Pantay na karapatan ng babae at lalaki hingi sa pag-amyenda sa Family Code
MANILA, Philippines – Umaasa si Senator Pia Cayetano na magiging ganap na batas ang Senate Bill 2270 na naglalayong maging pantay ang karapatan ng mga ina at ama ng tahanan sa ilalim ng Family Code.
Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang nasabing panukala kung saan magkakaroon ng “patas na timbang” ang desisyon ng babae at lalaki na may kaugnayan sa kanilang buhay mag-asawa o pamilya.
Ayon kay Cayetano, napapanahon na upang amyendahan ang 28 taong gulang na batas upang iayon sa kasalukuyang panahon.
“Unjustly biased” na aniya para sa mga kababaihan ang ilang probisyon sa Family Code kung saan mas nabibigyan ng timbang ang desisyon ng mga lalaki lalo pa’t isinusulong na rin sa Kongreso ang pagkakaroon ng gender equality.
Kabilang sa aamiyendahan ang Article 14 ng Family Code kung saan mas may “weight” ang desisyon ng tatay kaysa sa desisyon ng nanay sa pagbibigay ng consent sa mag-aasawang anak na nasa pagitan ng 18 hanggang 21 taong gulang.
Kapag naamiyendahan, ang nanay o tatay. o kahit pa ang tumatayong guardian ay makakapagbigay na ng consent sa nais mag-asawang anak.
Nais ding amyendahan ang Article 96 at 124 na may kaugnayan sa community property at conjugal partnership.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, mas nananaig ang desisyon ng asawang lalaki kapag nagkaroon ng disagreement kahit pa ang administrasyon ng kanilang common property ay para sa mag-asawa.
Hindi na rin umano napapanahon ang Article 211 kung saan mas nananaig ang desisyon ng ama o parental authority sa kanilang common children.
Umaasa si Cayetano na malalagdaan ni Pangulong Aquino ang nasabing panukala upang tuluyan ng maging pantay ang karapatan ng mga babae at lalaki sa ilalim ng Family Code.
- Latest