P3.1 B mawawala sa ‘zero remit’ ng OFWs
MANILA, Philippines – Aabot sa P3.1 bilyon ang mawawala sa ekonomiya ng bansa sa loob lamang ng isang araw kung matutuloy ang isinusulong na “Zero Remittance Day” ng mga overseas Filipino workers ngayong weekend sa gitna ng ‘balikbayan box’ controversy.
Ito ang naging babala kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero kaugnay sa napaulat na banta ng mga OFWs.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang personal remittances mula sa mga OFWs noong 2014 ay umabot sa all-time high na $26.93 bilyon na kumakatawan sa 8.5 percent ng gross domestic product noong nakaraang taon.
Sa unang bahagi ng 2015, iniulat ng BSP na ang personal remittances mula sa mga OFWs ay tumaas ng 6.2 percent at umabot sa $12.7 bilyon mula sa $11.9 bilyon sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Ang pinagsama-samang remittance ng mga Filipino workers sa buong mundo ay may average na P2.014 bilyon kada buwan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon kay Escudero, ang isang araw na boykot sa remittance ay nangangahulugan ng $67 milyon o P3.1 bilyong kawalan sa ekonomiya (sa exchange rate na P46.61).
- Latest