Bagyong ‘Goni’ papasok ng PAR sa Martes
MANILA, Philippines – Isang bagyong may international name na “Goni” ang tinatayang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) bukas ng hapon, ayon sa state weather bureau.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo sa layong 1,600 kilometro silangan ng Luzon kaninang alas-4 ng umaga.
Taglay nito ang lakas na 170 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 205 kph, habang gumagalaw pa-kanluran hilaga-kanluran sa bilis na 25 kph.
Pangangalanang “Ineng” ang bagyo kapag tuluyan na itong nakapasok sa PAR.
Paiigtingin ng bagyo ang hanging habagat na magpapaulan sa Luzon mula sa Huwebes hanggang sa weekend, habang sa kamakalawa sa Visayas at Mindanao.
Inaasahang tatama sa kalupaan ng Batanes o Calayan ang bagyo sa Biyernes bago ito lumabas.
Bukod kay Goni ay isa pang bagyo sa labas ng PAR ang binabatayan ng PAGASA na may international name na “Atsani.”
Kasalukuyan itong nasa 3,800 km silangan ng Luzon at may mababang tsansa na pumasok sa PAR ngunit palalakasin din nito ang hanging habagat.
- Latest