Biyahe ng PNR nanatiling limitado
MANILA, Philippines - Nanatiling limitado mula sa Tutuban station sa Tondo Maynila hanggang sa Alabang station sa Muntinlupa City, ang biyahe ng Philippine National Railway (PNR).
Ayon sa tagapagsalita ng PNR na si Paul de Quiros, hindi pa natatapos ang mga kinukumpuning riles ng tren mula sa Alabang patungo ng Calamba, Laguna pero tiniyak nito na araw-araw ang ginagawang pagtatrabaho ng kanilang maintenance provider.
Sinabi ni De Quiros, ang biyahe mula Tutuban patungo na Alabang ay nagsisimula ng ganap na alas-5:05 ng umaga at nagtatapos ng alas-7:05 ng gabi habang ang alis ng tren mula sa Alabang patungo ng Tutuban ay alas-5:30 ng umaga at ang last trip ay alas-7:30 ng gabi.
Ang biyahe ng PNR ay naibalik lamang nitong nakalipas na July 23 matapos ang tatlong buwan na pagkakatigil ng operasyon nito dahil sa ninakaw na riles na naging dahilan pa ng aksidente na ikinasugat ng maraming pasahero.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang rehabilitation work sa mga riles ng PNR upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Tiniyak ng pamunuan ng PNR na magbibigay sila ng public announcement sa oras na magbalik sila sa full operation.
Inihayag pa ni De Quiros na nakapaglagay na rin sila ng anti-theft device upang hindi na maulit ang ginagawang pagnanakaw sa riles ng PNR.
- Latest