Bagyo papasok sa PAR
MANILA, Philippines – Isang bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Miyerkules, Agosto 5.
Sinabi ni PAGASA weather forecaster Gener Quitlong na binabantayan nila ang isang tropical storm na may international name na Soudelor.
May lakas ito ng hangin na 65 kilometers per hour (kph) at pagbugsong umaabot sa 80 kph. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa taya ng weather bureau, hindi naman inaasahang magla-landfall ang bagyo dahil bahagyang may kataasan ito gaya ng mga nakaraang bagyo na halos sa gilid lang ng bansa dumadaan.
Inaasahang palalakasin ng bagyo ang Habagat na magdadala naman ng mga pag-ulan sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon, wala pa aniyang inaasahang low pressure area (LPA) o bagyo na papasok sa bansa sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Patuloy namang nakakaapekto ang intertropical convergence zone (ITCZ) sa bansa.
Makararanas naman ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ng magandang lagay ng panahon bagama’t nananatili ang banta ng pulu-pulong pagkidlat-pagkulog.
- Latest