Libel, disbarment vs PhilHealth officials
MANILA, Philippines - Sinampahan ng Quezon City Eye Center (QCEC) ng kasong disbarment, libel at civil case ang mga opisyal ng PhilHealth dahil umano sa pangha-harass at paglalabas ng mga mapanirang pahayag tungkol sa QCEC.
Si QCEC President Dr. Raymond Evangelista ang nagsampa ng libel sa tanggapan ni QC Assistant City Prosecutor Nicasio Rosales laban kina PhilHealth president at CEO Alexander Padilla at Dr. Kim Gariando, PhilHealth internal auditor at miyembro ng audit department dahil sa umanoy maling pag-akusa sa QCEC na sinabing tumanggap ng mahigit P150 milyon ng Philhealth claims at mga alegasyon na niloloko ang mga pasyente nito.
Sa pamamagitan ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Evangelista ay humihingi ito ng tig-P2.5 milyon kina Padilla at Gariando bilang moral at exemplary damages kasama na ang attorney’s fees para sa libel cases.
Bukod dito, nagsampa din si Evangelista ng P34 milyong civil case sa QC court laban kina Padilla at Atty. Jay Villegas, senior manager ng PhilHealth’s Operations Audit Department gayundin sina Drs. Robert Louie So at Gariando dahilan sa umanoy pag-abuso sa kanilang karapatan at breach of contract.
Sinasabi ni Evangelista na hindi tama at hindi makatwiran na agad inakusahan ng PhilHealth ang QCEC na kumita ng mahigit P150 milyong benefit payments noong 2014 at inakusahang may katiwalian ang tatlo nilang doctor nang sabihing may 1,000 fraud case.
“Not satisfied with depriving QCEC of its constitutional right to due process, Atty. Padilla launched a media campaign, announcing for the whole world to hear that QCEC is involved in fraudulent claims and that QCEC takes advantage of the already disadvantaged members of society for profit,’’ pahayag ni Evangelista.
“Atty. Padilla, also using resources of PhilHealth, including the Audit Department and the Legal Department, committed acts of harassment against QCEC and deprived QCEC of payments for the actual use of its facilities by PhilHealth members,” dagdag pa ni Evangelista.
Nakaasaad din sa reklamo ng QCEC na itinigil ng PhilHealth ang pagbabayad sa mga naka pending na claims at isinambulat agad na may anomalya nang hindi man lamang sila nabigyan ng due process.
Una nang kinasuhan ng disbarment ng QCEC sa Korte Suprema ang naturang mga opisyal ng PhilHealth bunga ng umano’y harassment at pagpapalabas ng nakakasirang mga paratang laban sa naturang medical institution.
- Latest