‘For delicadeza’ Chiz nagbitiw sa 2 posisyon
MANILA, Philippines – Nagbitiw na sa kanyang hinahawakang makapangyarihang komite sa Senado si Sen. Chiz Escudero.
Isinumite ni Escudero kay Senate President Franklin Drilon ang kanyang liham ng pagbibitiw bilang chairman ng Senate Committee on Finance at co-chair ng Joint Oversight Committee on Public Expenditures.
Naniniwala ang senador na dapat niyang bitiwan ang mga nasabing posisyon upang hindi umano magkaroon ng isyu ng pulitika sa nalalapit ng budget deliberation para sa 2016 national budget.
Ang Finance Committee na pinamunuan ni Escudero ang didinig sa pambansang badyet sa oras na maaprubahan ito ng mababang kapulungan ng Kongreso.
“Una, delikadesa at pangalawa, ayaw kong magamit ako bilang bala para ‘yung budget ay maharang,” wika niya.
Binanggit rin ni Escudero ang posibilidad na pagtakbo sa mas mataas na posisyon kung saan puwede umanong magkaroon ng hinala na magagamit niya ang kanyang posisyon para isulong ang kanyang sariling ambisyon sa politika.
Pinapurihan naman ng matataas na miyembro ng House si Escudero.
“Kahanga-hangang hakbang yan. Sumasaludo ako sa kanya,” sabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales II. “Dakila.”
Binanggit naman ni Batangas Rep. Leandro Mendoza na ang mahalaga ay hindi magagamit sa partisan politics ang pondo ng bayan.
- Latest