Ex-solon ‘sidekick’ ni Napoles
MANILA, Philippines - Kinondena kahapon ng Akbayan Partylist ang malawak at malalim na mga sanga ng mga krimen at katiwalian na may kaugnayan sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund.
Ginawa ng Akbayan ang pahayag makaraang mabunyag sa isang pagdinig sa Sandiganbayan ang kritikal na papel ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chief at dating Congresswoman Zenaida Ducut sa operasyon ng negosyanteng si Janet Napoles sa mababang kapulungan ng Kongreso at sa pagkakasangkot ng mga alkalde sa pandarambong sa PDAF para sa personal nilang kapakinabangan.
“Habang lalo nating hinahalukay, nagiging mas malaki at malalim ang mga krimen at katiwaliang nakikita natin sa PDAF scam. Napasok ni Napoles ang iba’t-ibang antas sa mga tanggapan ng pamahalaan mula Senado hanggang Lower House at pababa sa pamahalaang lokal. Hindi dapat palusutin ang mga nasasangkot dito,” puna ni Akbayan Rep. Barry Gutierrez.
Binatikos din ng Akbayan si Ducut sa papel nito bilang sidekick ni Napoles sa mababang kapulungan ng Kongreso. Ineeskortan anya ni Ducut si Napoles sa bawat opisina para sa mga transaksyon nito.
“Mula sa pagtanggap ng kickback sa PDAF ay naging sidekick ni Napoles si Ducut sa Lower House. Nawalan na ng integridad si Ducut bilang opisyal ng gobyerno,” puna pa ng Akbayan.
Iginiit ng Akbayan ang matagal nang panawagan nito sa Malakanyang na tanggalin si Ducut sa ERC at sa halip, dapat itong arestuhin at litisin sa pagkakasangkot niya sa PDAF scam.
- Latest