P4.6M pabuya sa 10 tiktik ng PDEA
MANILA, Philippines – Umabot sa P4.6 milyon halaga ng pabuya ang ipinamahagi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa 10 impormante sa ilalim ng Operation Private Eye (OPE) project.
Nakilala lamang ang mga impormante na sina Axcel, Noy, Tolendoy, Paulo, Abel, Brix, Coleen Sarmiento, Cold Ice, Ice at Jun na pawang mga nakasuot ng maskara para sa kanilang seguridad.
Si Jun ang may pinakamalaking pabuyang natanggap na aabot sa P1.9 milyon matapos magbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakadiskubre ng isang shabu laboratory, pagkakakumpiska ng 260.25 kilo ng shabu at 24 kilo ng ephedrine at pagkakaaresto sa limang suspek sa Barangay Newagac, Gattaran, Cagayan noong Pebrero 26.
Hinihimok ng OPE project ang publiko na magbigay ng impormasyon para mapalakas ang kampanya ng PDEA kontra sa ilegal na droga sa bansa.
"To fully encourage the participation of private citizens in the fight against illegal drugs, PDEA continues to give monetary rewards to deserving informants. With the increasing numbers of them coming out in the open to report illegal drug activities, soon we will have a vast network of eyes and ears in our communities," pahayag ni PDEA Director Arturo Cacdac Jr.
- Latest