Prinsipe ng Malta nasa Pinas
MANILA, Philippines – Bibisita ngayon sa Malacañang ang Prinsipe at Grand Master ng Malta bilang bahagi ng kanyang 7-araw na state visit sa Pilipinas, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Dumating sa bansa kamakalawa si Fra’ Matthew Festing na prinsipe at grand master ng sovereign hospitaller Order of St. John of Jerusalem of Rhodes and Malta. Mananatili ito sa Pilipinas hanggang Marso 7.
Mag-courtesy call ngayong umaga si Fra’ Festing kay Pangulong Aquino kung saan ay pag-uusapan nito ang bilateral relations kasabay ang pagkakaloob ng symbolic key ng 700 kabahayan na donasyon ng Sovereign Order of Malta (SOM) sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Dadalawin din nito ang Basey, Samar sa Marso 5 upang inspeksyunin ang mga donasyon nitong kabahayan sa mga biktima ng super typhoon Yolanda.
Ito ang ikalawang pagkakataon na bumisita sa bansa ang prinsipe at grand master ng SOM kung saan ay unang bumisita si Fra’ Angelo de Mojana di Cologna noong Pebrero 1979.
- Latest