Convoy ng heneral nakalusot sa landmine
MANILA, Philippines – Masuwerteng nakaligtas sa kapahamakan ang isang heneral at mga police security escorts nito habang sugatan naman ang isang sibilyan matapos sumabog ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa kahabaan ng highway ng Brgy, Badas, Mati City nitong Lunes.
Sa phone interview, sinabi ni Major Ezra Balagtey, Deputy Spokesman, dakong alas -9:15 ng umaga ng maganap ang insidente.
Ayon kay Balagtey kasalukuyang bumabagtas ang convoy ni Police Regional Office (PRO) 11 Director P/Chief Supt. Wendy Rosario sa nasabing lugar nang maganap ang pagsabog ng landmine.
Sinabi ni Balagtey na ang heneral at mga security escorts nito ay patungo para mag-inspeksyon sa Mati City Police Station na sinalakay ng mga rebelde sa nasilat na insidente kamakalawa ng gabi.
“Kalalagpas lang ng tail end (huling behikulo) ng convoy ni Chief Supt. Wendy nang sumabog yung landmine sa area”, ani Balagtey.
Sa nasabing insidente, ayon sa opisyal ay isang sibilyan ang nasugatan na mabilis na isinugod sa Digos Hospital para malapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay patuloy naman ang clearing operation ng tropa ng mga sundalo upang hanapin ang iba pang landmine na ikinalat ng mga rebelde sa lungsod .
- Latest