Ugnayang MILF-Marwan luminaw – Cayetano
MANILA, Philippines – Inilibas kahapon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang dokumentong magpapatunay na may malapit na ugnayan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Jemaah Islamiyah sa napatay na si Zulkifli bin Hir, alias “Marwan” sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 pero naging dahilan rin ng pagkamatay ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force.
Ayon kay Cayetano, maliwanag na nagsinungaling ang mga kinatawan ng MILF na humarap sa pagdinig sa Senado ng itinanggi nilang may kaugnayan sila kay Marwan.
“Palinaw nang palinaw na may intimate relationship si Marwan sa MILF at buong kasinungalingan na sinasabi nilang hindi kilala at hindi nila pinoprotektahan si Marwan,” ani Cayetano.
Iginiit ni Cayetano na para rin siya sa pagsusulong ng kapayapaan pero hindi na umano sa grupo ng MILF kung hindi sa bagong grupo na gusto talagang magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
“Lahat tayo ay gusto ng peace. Ang stand ko ay ituloy ang peace process. Huwag sa MILF, humanap tayo ng mga kausap dun na magbibigay ng tunay na peace,” wika pa ni Cayetano.
Aniya, kung nais umano ng MILF na kausapin pa sila ng gobyerno dapat na maging matapat sila at sabihin ang totong naging relasyon kay Marwan.
Inilabas ni Cayetano ang dokumento mula sa United States District Court ng Northern District of California kaugnay sa kasong kinakaharap nina Marwan at kapatid nitong si Rahmat Abdhir kung saan mababasa ang palitan nila ng komunikasyon sa pamamagitan ng e-mails.
“It’s actual emails between the brothers and detalyado ang kwento ni Marwan tungkol sa MILF at sa role nya dito. And this also continues to confirm that the Abu Sayyaf, the BIFF, and MILF because magkakamag-anak yung iba, continue to have links,” pahayag ni Cayetano.
Matatandaan na naudlot ang pagdinig ng Senado sa Bangsamoro Basic Law matapos mapatay sa Mamasapano ang 44 miyembro ng SAF kung saan kabilang sa mga sinisisi ang MILF.
- Latest