18 sa ‘Fallen 44’ dinala na sa Cordillera at Cagayan Valley
VILLAVERDE, Nueva Vizcaya, Philippines – Bumuhos ang magkahalong galit at pagdadalamhati ng mga kamag-anak, kaibigan at taga-suporta ng mga miyembro ng Philippine National Police-Special Actions Force (PNP-SAF) na minasaker ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Linggo matapos maiuwi ang mga labi ng mga biktima sa Cordillera at Cagayan Valley.
Kabilang sa Fallen 44 na itinuturing na mga bagong bayani ng bansa na nagbuwis ng buhay mula sa Cordillera ay sina PO2 Walner Danao ng Irisan, Baguio City; P/Senior Insp. Gednat Tabdi, PO2 Jerry Kayob, kapwa nakatira sa La Trinidad, Benguet; PO2 Noble Kiangan ng Mankayan, Benguet; PO2 Peterson Carap ng Kabayan, Benguet; PO3 Noel Golocan ng Lepanto, Benguet; PO1 Angel Kodiamat ng Bontoc, Mt. Province; PO1 Gringo Cayang-o ng Sadanga, Mt. Province; PO1 Russel Bilog ng Tabuk City, Kalinga; P/Senior Insp. Cyrus Anniban ng Balbalan, Kalinga; PO2 Franklin Danao ng Tinoc, Ifugao; at si PO3 Robert Allaga ng Banaue, Ifugao.
Kinilala naman ang mga napatay mula sa Cagayan Valley Region na sina PO2 Joel Dulnuan ng Nueva Vizcaya; PO3 Rodrigo Acob Jr. at PO3 Andres Duque Jr. ng Aurora, Isabela; PO1 Loreto Capinding II ng San Mateo, Isabela; PO2 Richelle Baluga ng Piat, Cagayan; at si PO1 Olibeth Viernes ng Tuguegarao City, Cagayan.
Dakong alas-6 ng umaga kahapon nang makarating sa Nueva Vizcaya ang convoy ng mga sasakyan na nagdala sa mga labi ng commandos kung saan ang ibang tropa ng pulisya ay nagtungo sa bayan ng Villaverde at ang iba ay humiwalay patungo sa Ifugao habang ang iba ay dumiretso naman sa Cagayan at Isabela.
Sa Isabela at Cagayan ay may iba’t-ibang programa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang na ang pagbibigay ng mga tulong pinansiyal para sa mga naulila.
Samantala sa Ifugao ay agad na inilibing si PO2 Franklin Danao bilang bahagi ng kultura ng mga katutubo kaugnay sa madaliang paglilibing sa mga kaanak na namatay sa marahas o madugong paraan.
- Latest