Tanong ng bata nakaantig kay Pope
MANILA, Philippines – Isang mabigat na tanong ang ipinukol ng isang bata na nakaantig kay Pope Francis sa pakikipagtagpo ng Santo Papa sa mga kabataang Pilipino sa University of Sto. Tomas, Linggo ng umaga.
Hindi napigilan ng 12-anyos na si Glyzelle Iris Palomar ang mapaiyak nang tanungin niya ang Santo Papa kung bakit hinahayaan ng Diyos na may masamang mangyari sa mga batang gaya niya.
“Bakit pumapayag ang Diyos na may ganitong mangyari kahit walang kasalanan ang mga bata?”, tanong ni Glyzelle.
“Marami po ang mga batang pinabayaan ng kanilang mga magulang. Marami sa kanila ang naging biktima at masama ang nangyari tulad ng droga o prostitusyon,” sabi ni Glyzelle na isa sa mga batang inabandona ng kanilang mga magulang at kasalukuyang naninirahan sa Tulay ng Kabataan Foundation.
Itinanong din ni Glyzelle sa Santo Papa kung bakit kaunti lang ang tumutulong sa kanilang mga nangangailangan.
Matapos ang testimonya ng bata, nilapitan ito ng Santo Papa at hinaplos, niyakap, at saglit kinausap habang umakto namang interpreter si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Labis na naantig ang damdamin ni Pope Francis at gaya ng ginawa nito sa Tacloban City, isinantabi nito ang inihandang mensahe at muling nangaral ng deretsahan.
Aminado ang Santo Papa na halos walang kasagutan ang tanong ni Glyzelle.
Gayunman, sa ganitong uri aniya ng katanungan, ang pinakamainam na kasagutan ay pananahimik at pagluha.
Malalim man ang kahulugan ay idinaan ni Pope Francis sa paliwanag na ang tao ay kailangang matutong umiyak dahil nililinis ng luha ang mga mata upang makita at maunawaan ang mga paghihirap at pagdurusa ng kapwa.
“She wasn’t able to express it in words, but rather in tears,” ani Pope Francis.
Ikinalungkot ng Santo Papa ang mga pang-aabuso at pagdurusa ng mga kabataan sa mundo tulad ng naging kuwento ng buhay ni Glyzelle, at 14-anyos na si Jun Chura, isang palaboy na naghayag na binago din ang buhay niya ng Tulay ng Kabataan Foundation.
“The marginalized people, those left in one side, are crying. Those who discarded are crying,” aniya pa.
“We need to ask our ourselves, have I learned to cry for somebody who was left to one side? Have I learned to weep for someone who has a drug problem? Have I learned to weep for someone who suffered abuse?” aniya.Binigyang-diin pa ng Santo Papa na kung hindi matututong umiyak ang isang tao ay hindi siya magiging mabuting Kristiyano.
Nagpasalamat si Pope Francis kay Glyzelle kasabay ng payo na maging matatag at huwag mahiyang lumuha.
Ipinahayag naman ng UST student na si Leandro Santos na paano maibabalik ang nawawalang ‘values’ ng mga kabataan dahil sa pag-unlad ng teknolohiya.
“Use the three languages of the mind, of the heart and of the hand …Feel what you think and feel what you do. Do what you think and what you feel. To feel to thiin and to do, all that harmoniously,” sabi ni Pope.
Pinuri naman ng Santo Papa ang ika-apat na estudyanteng si Rikki Macolor, isang electronics engineer na nakapag-imbento ng Solar Night Light para sa Yolanda survivors.
- Latest