3 pulis pinagpapaliwanag sa selyong natanggal sa baril
MANILA, Philippines - Matapos ang inspeksiyon kahapon ng umaga sa mga baril ng Manila Police District (MPD), tatlo ang kinukuwestiyon kung bakit natanggal ang selyo o marking tapes sa kanilang service firearms.
Hindi muna pinangalanan ang tatlong miyembro ng MPD na sinasabing natanggalan ng selyo na nakalagay sa puluhan ng baril na ayon sa ulat ay pinaiimbestigahan muna ni MPD director Rolando Nana.
Nabatid na pinagpapaliwanag ang tatlo para madetermina kung dapat na kasuhan ng administratibo kaugnay sa hindi lehitimong operasyon.
Nabatid na dalawa ang natanggalan ng selyo at isa naman ang lumalabas na nabutas ang ikinabit na selyo.
Samantala, ang isa pang pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ay inireklamo naman ng indiscriminate firing ng kaanak ng kaniyang nobya matapos magpaputok ng apat na beses sa kanilang lugar sa Tondo, Maynila, noong bisperas ng Bagong Taon.
Inireklamo ng isang Larry Reyes sa MPD-General Assignment Section si Mark Ballesteros na nakatalaga sa NCRPO.
Salaysay ni Reyes, si Ballesteros ay nagpaputok ng apat na beses noong bisperas ng gabi nang dumating sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo, habang kinakausap ang nobya na pamangkin ni Reyes.
Hindi lamang sinasaktan ang nobya kundi tinakot pa at katunayan ay hawak na ni Reyes ang apat na basyo ng baril ni Ballesteros na nakuha sa harap ng bahay.(Ludy Bermudo)
- Latest