Indra ‘di kuwalipikado sa bidding – Smartmatic-TIM
MANILA, Philippines - Hindi sapat ang huling pinakamalaking kontratang nakopo ng technology provider na Indra Sistema’s na 2013 Argentine polls project para maging kuwalipikado ito sa bidding ng P2 bilyong kontrata sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang binigyang diin ng Smartmatic-TIM, ang isa pang bidder na idineklara ng Comelec Bids and Awards Committee (BAC) na kuwalipikado para lumahok sa bidding.
Sinabi ni Atty. Rub Rose J. Yusi, lead counsel ng Smartmatic-TIM na ang Argentina project ng Indra ay hindi gumamit ng optical mark reader o optical scan system (OMR).
Bukod dito, ang Indra ay hindi umano nagbasa ng mga marks bagkus ay mga numero lamang, hindi rin umano ginawa ang pagbasa bawat presinto sa halip ay ginawa ito nang sentralisado at hindi rin umano bumabasa ng balota ang Indra kundi nagbasa lamang ng manually-tallied na election returns na nasa porma ng telegrams.
Ayon pa kay Yusi, ang Argentina project ng Indra ay hindi rin umano ipinasok ng mga botante ang kanilang balota sa machine sa halip ay ang Indra personnel ang gumawa nito para sa kanila. Hindi rin umano binilang ng Indra ang resulta bawat presinto dahil mano-mano pa rin itong ginawa bukod pa sa tanging unofficial canvassing ang ipinagawa sa Indra.
Binanggit ng Indra bilang kanilang “single largest contract” ang telegraph transmission, processing at pag-broadcast ng provisional count ng 2013 parliamentary elections sa Argentina, gayong ito umano ay isinagawa sa mano-manong sistema.
“Indra’s single largest contract, as it presented, is the Argentina project wherein Indra merely provided a data entry and back up results of this data entry as non-official quick count,” pahayag pa ni Yusi.
Aniya pa, ang manual count election ng Argentina na nilahukan ng Indra ay hindi katulad ng OMR project dahil ang pagboto at pagbilang ng mga boto ay mano-manong sistema.
“Indra’s Argentina contract is a manual count election and is no way similar to the OMR project because the votes were cast and counted manually, and later, a copy of the results was sent via telegram to a number of locations nationwide, where the votes were encoded into computers, to produce a non-binding, un-official quick count of the results,” diin pa ni Yusi. (Butch Quejada)
- Latest