Pulitiko, 1 pa ‘no show’ sa NBI
MANILA, Philippines - Hindi lumutang kahapon sa Nationall Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa sa tatlong personalidad na sinasabing nagmamay-ari ng mga baril na nasamsam sa kubol ng convicted bigtime druglord na si Peter Co sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) nang magsagawa ng sorpresang inspeksiyon ang mga awtoridad sa pangunguna ni Justice Secretary Leila de Lima.
Tanging si Vicente Alindada Jr., konsehal sa Sangandaan, Caloocan City ang dumating sa NBI at nagbigay ng paliwanag na ang kaniyang baril na narekober kay Peter Co ay nawawala o nanakaw noong Oktubre 10. Siya ang nadiskubreng nagmamay-ari ng 9mm Browning pistol na hawak na ngayon ng NBI.
Sina Carlitos Tiquia na talunang congressional candidate sa Valenzuela City noong 2013 ang lumalabas na may-ari ng Bushmaster rifle at isang Avelino Nicanor, empleyado ng gobyerno na may koneksiyon diumano sa Bureau of Corrections (BuCor) ang nakarehistrong may-ari ng 9mm Browning pistol, na kabilang sa 5 narekober kay Co.
Inaasahang isusunod na ang pagpapatawag ng NBI kay Rep. Joaquin Carlos Rahman Nava ng Guimaras na may-ari naman ng .22 Walther pistol na nakumpiska kay Co.
Ang isa pang baril na narekober kay Co ay isasalang umano ng NBI sa macro-etching dahil nabura na ang serial number nito.
- Latest