Preso sa Mandaluyong jail may pag-asang makalaya
MANILA, Philippines – May pag-asang makalaya ang ilang preso sa Mandaluyong City Jail dahil sa nakatakdang pagbisita ng ilang team mula sa Public Attorney’s Office (PAO) na tutulong sa mga preso na walang nag-aasikasong abugado.
Bukas (Disyembre 22, 2014) alas 8:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon ay isasagawa ang Legal, Medical, Dental, Optical Jail Visitation at Decongestion Program.
Regular ang aktibidad na ito ng PAO na pinasimulan noong Abril 2007.
Kabilang sa aalamin ng PAO ang mga nakapiit pa rin na preso gayung ang sentensiya na maaring kaharapin ay lagpas na sa ipinanatili nila sa kulungan at ang mga walang kaanak o kaibigan na tumutulong para sa pagproseso ng kaso.
Kasama ni PAO chief, Attorney Persida V. Rueda-Acosta ang 27 abugado at staff mula sa PAO-Central Office at Marikina City District Office para magkaloob ng legal counseling at medical/dental check-up sa mga bilanggo.
Maliban pa sa PAO team, katulong din sa nasabing medical mission sina Dr. Ruperto C. Sombilon, Jr. at Dr. Evelyn Ignacio ng National Bureau of Investigation (NBI); Dr. Ludivino J. Lagat at Dr. Ravell Ronald R. Baluyot ng Commission on Human Rights (CHR); Dr. Anastacio Rosete, Jr. ng local government ng Quezon City at Atty. Erwin P. Erfe, M.D. ng PAO Forensic Laboratory.
- Latest