DENR sa publiko ‘Wag magkalat ngayong Xmas
MANILA, Philippines – Hinimok ni Environment Secretary Ramon J.P. Paje ang publiko na magkaroon ng “green” Christmas sa pamamagitan ng maayos na pagtatapon ng kanilang basura ngayong holiday season.
Sinabi ni Paje na taun-taon na lamang tuwing magdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon ang mga Pilipino ay sangkaterbang basura ang nalilikha dahil ang Pilipinas ang may pinakamahabang araw ng holiday season.
Upang higit na maging conscious ang publiko sa nililikha nilang basura ay dapat na iobserba ng bawat mamamayang Pilipino ang environmentally-responsible yuletide habits.
Karamihan anya ng bulto ng basura tuwing pasko at bagong taon ay galing sa gift wrapping at packaging materials kaya sa halip na ito ang gamitin ay mas mainam na gumamit ng diyaryo, gift bags at ibang alternatibong traditional wrapping paper na maaaring muling magamit, ma-recycle o madaling matunaw upang ang mga wrapper ay hindi na magbabara sa mga kanal dahil hindi ito natutunaw.
Sa halip anya na magpadala ng traditional Christmas cards ay magpadala na lamang ng e-cards sa internet para walang lilikhaing basura.
Sa pagbili naman anya ng mga regalo ay dapat mula ito sa mga recycled materials na hindi nagamit ng batteries na matinding makadagdag ng basura.
Mas maganda anyang pagregalo sa ngayon ay mga butong pananim o mga halaman para mapakinabangan ng matagal na panahon at makakatulong sa kapaligiran gayundin ay bumili ng mga pangregalo na mula sa sariling atin na may mas mababang carbon footprint at gumamit ng Xmas lights na LED.
- Latest