PNoy kay De Lima: Bawiin ang Bilibid sa high-profile inmates
MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Benigno Aquino III kay Justice Secretary Leila de Lima na bawiin ang New Bilibid Prison (NBP) sa mga maimpluwensyang preso.
"Ang pinaka-marching order n'yan, planuhin daw lahat para ma-reclaim ang buong NBP from the grasp and control of these moneyed and influential inmates. Reclaimed," wika ni De Lima sa kanyang paanayam sa "Bandila" ng ABS-CBN kagabi.
Nitong Lunes ay natagpuan sa loob ng maximum security compound ng NBP ang magagarang selda na may air-conditioner, bathtubs, telebisyon na pagmamay-ari ng 19 na high-profile inmates.
Naniniwala si De Lima na sinusuhulan o binabantaan ng mga maimpluwensyang preso ang jail guards at mga opisyal ng Bureau of Corrections.
"Sa nakita natin, hindi ko lang masabi up to what extent, pero I'm sure it's a substantial degree na ganoon nga na virtually untouchable nga sila dahil ipino-protektahan din sila ng mga various gangs," paliwanag ng kalihim.
"So 'pag tinatakot probably hindi nape-perahan o hindi nako-korap pero tinatakot, including their family, kaya tumatahimik na lang, nagbibingi-bingihan na lang, nagbubulag-bualagan na lang," dagdag niya.
Sinabi pa ni De Lima na naalarma ang Pangulo matapos malamang may matataas na kalibre ng baril sa loob ng mga selda.
"D'yan na-alarma nang husto ang ating pangulo. And in fact kanina inulit n'ya sa akin na, 'I really want know the source of the firearms at bakit nakapasok 'yan d'yan'," aniya.
- Latest