NDRRMC officials ipatatawag ni Bongbong
MANILA, Philippines - Ipatatawag ni Sen. Bongbong Marcos ang mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council para hingan ng paliwanag sa kanilang ginawang pagtugon sa kalamidad.
Ang pahayag ni Marcos ay bunsod na rin ng pananatili ng 150,000 residente sa mga evacuation centers sa Visayas.
Sa kanyang privilege speech, layon ng Senate Resolution 1056 ni Marcos na gawing institutionalize ang disaster at relief response protocols sa bansa.
Ito’y matapos ang pananalasa ng bagyong Ruby na ikinasawi ng 18 katao habang libo-libo pa rin ang nasa loob ng evacuation centers.
Bagamat naniniwala si Marcos na malaki ang naging improvement ng NDRRMC sa paghahanda sa bagyong Ruby kumpara noong Yolanda kailangan pa rin ang pagsasaayos ng ilang mga response system upang mas maiwasan ang pagkamatay ng mga inosente. Paliwanag ni Marcos, responsibilidad ng NDRRMC na ipaalam sa publiko ang pagpapatupad ng batas, programa, istratehiya at pagpaplano upang walang mamatay at mawalan ng mga ari-arian.
Kailangan din aniya na ipaalam sa mga maapektuhan ang mga lugar na maaaring takbuhan sa panahon ng kalamidad.
- Latest