Solon inambus, 4 bodyguard utas!
MANILA, Philippines - Sugatan si Iligan Lone District Rep.Vicente “Varf” Belmonte matapos tambangan kahapon ng mga armadong kalalakihan ang kanyang convoy kung saan apat na tauhan nito ang napatay sa Laguindingan, Misamis Oriental.
Ayon kay Atty. Rejoice Subejano, abogado at staff ng kongresista na kasama nito ng maganap ang insidente, masuwerteng sugat lang sa kamay ang tinamo ni Rep. Belmonte na kaagad nilapatan ng lunas sa Laguindingan Hospital.
Kuwento ni Belmonte, ala-1:30 ng hapon nang dumating sila sa Laguindingan Airport galing sa Maynila.
Pero, bago pa man makarating sa national highway, tinambangan anya sila ng isang van at pinagbabaril.
Sa salaysay naman ni Subejano, kaagad na nakaganti ng putok ang mga security aide ng kongresista subalit minalas na masawi ang mga ito na kinabibilangan ng isang pulis dalawang bodyguard at isang driver.
Isa rito ay kinilalang si PO3 Marcos Agtina Andres, isang Yoyong at dalawang tinukoy lamang sa mga apelyidong Estaquio at Sumaguing.
“Namatay ‘yung driver ko, driver of the backup vehicle, and two police bodyguards. Tatlo ang wounded, including me,” pahayag naman ni Belmonte sa isang television interview.
Sinabi pa nito na pulitika ang hinihinala niyang motibo ng ambush matapos siyang makatanggap ng death threat bago ang insidente.
Mariin namang kinondena ng liderato ng Kamara ang pananambang kay Belmonte. Sinabi ni House Majority leader Neptali Gonzales na hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng karahasan.
Nanawagan din si Gonzales sa mga otoridad na puspusan itong imbestigahan at tiyaking mahuhuli, makakasuhan at mapagbabayad sa batas ang mga may kagagawan ng pananambang kay Belmonte.
Si Belmonte ay chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
- Latest