Probe sa sin tax ilalarga ng Kamara
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ni House Speaker Feliciano Belmonte ang napaulat na iregularidad sa pagpapatupad ng Sin tax law.
Ayon kay Belmonte, dapat magkaroon ng imbestigasyon ang oversight committee sa reklamo laban sa isang kumpanya ng tabako na Mighty Corporation.
Ipinaliwanag niya na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sana ang nag-iimbestiga nito subalit wala naman silang naririnig na update mula sa ahenisya kaya panahon na rin para alamin naman ng kongreso kung paano nangyari na biglang naging isang malaking kumpanya ang Mighty Corporation.
Ang panukala para sa oversight review ng Sin tax law ay una ng hiniling sa Kamara nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez.
Suportado naman ito ni Ang Nars partylist Rep. Leah Paquiz at igiinit na dapat ay gamitin ng Kamara ang oversight power nito para makita kung ano ang mga loopholes sa RA 10351.
Pinuna ni Paquiz na hindi rin kasi natutugunan ng batas ang mandato nito na maglaan ng sapat na pondo para sa Universal health program kaya dapat ding magpaliwanag ang BIR at Department of Health (DOH).
Pinuna rin ng Kongresista kung bakit sa mga manggagawa lang nakatutok ang BIR sa paghahabol sa mga lumalabag sa pagbabayad ng tamang buwis at hindi rin habulin ang kumpanya tulad ng Mighty.
- Latest