PNoy: Wala nang dapat magkamali sa ‘Ruby’
MANILA, Philippines - Iginiit ni Pangulong Aquino na wala nang dapat magkamali sa pagkakataong ito sa ginagawang paghahanda para sa bagyong Ruby upang hindi na maulit ang pangyayari sa bagyong Yolanda.
Sinabi ng Pangulo sa briefing ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, hindi na kapatawad-tawad sakaling mayroong magkamali sa pagkakataong ito sa ginagawang paghahanda sa bagyong Ruby na inaasahang magla-landfall sa Sabado ng umaga.
Ayon sa Pangulo, dapat gawin ng lahat ng ahensiya ng gobyerno ang pagkilos ng naaayon at tama.
Isa-isang inalam ni Pangulong Aquino sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang inilatag nilang paghahanda upang masiguro na lahat ng tulong sa mamamayan ay maayos na nailatag.
Inirekomenda rin sa Pangulo na ideklarang state of national calamity ang buong bansa upang maipatupad ang freeze sa lahat ng presyo upang hindi makapagsamantala ang mga negosyante.
Kabilang dito ay bigas, asukal, gatas, tinapay, kape, mantika, mga pagkaing de lata, noodles at iba pa.
Inatasan din ni PNoy ang PNP at AFP na bantayan ang mga supermarkets, department stores at groceries para matiyak na walang ‘looting’ sa panahon ng kalamidad.
- Latest