PNP chief sinuspinde!
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Philippine National Police Director General Alan Purisima at iba pang opisyal ng PNP matapos makakita ng probable cause kaugnay ng maanomalyang courier service contract sa Werfast Documentary Agency noong 2011.
Inutos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang anim na buwang preventive suspension without pay laban kay Purisima dahil sa gross neglect of duty.
Kasama ni Purisima na sinuspinde sina Police Director Gil Meneses, dating hepe ng Civil Security Group (CSG) at mga dating opisyal ng Firearms and Explosives Office (FEO) na sina P/Chief Supt. Raul Petrasanta, P/CSupt. Napoleon Estilles, P/Sr. Supt. Allan Parreno, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Melchor Reyes; P/Supt. Lenbell Fabia; C/Insp. Sonia Calixto, C/Insp. Nelson Bautista at C/Insp. Ricardo Zapata.
Ipinadala na ang kautusan kay DILG Secretary Mar Roxas upang agad na maipatupad ang suspension order kay Purisima at sa iba pang mga opisyal.
Ayon kay Asst. Ombudsman Asryman Rafanan, may limang araw si Roxas para maipatupad ang naturang kautusan at may hanggang 15 araw naman si Purisima para magsampa ng motion for reconsideration oras na matanggap ang order ng Ombudsman laban sa kanya.
Bukod sa anim na buwang suspension, may dagdag na anim pang buwang suspension si Ombudsman Morales laban kay Purisima at iba pang opisyal ng PNP kaugnay naman ng pagkawala ng mga armas sa PNP na kalaunan ay nalaman na naibenta sa NPA na kinabibilangan ng AK-47 firearms.
Kasama ni Purisima na sinuspinde sa kasong ito sina Meneses, Petrasanta; P/Chief Supt. Tomas Rentoy ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies; Senior Supt. Regie Catiis ng PNP Directorate for Comptrollership at Senior Supt. Eduardo Acierto Jr.
Paniwala ng ilan, hindi na makakabalik sa puwesto si Purisima sa PNP dahilan sa halos isang taon ang suspension order laban dito sa dalawa nitong nabanggit na mga kaso dahil ito ay magreretiro na sa kanyang puwesto sa Marso 2015.
Magugunita na sinampahan ng P100-M plunder case ni Glenn Gerard Ricafranca si Purisima sa Ombudsman noong Abril 2014 kaugnay sa maanomalyang kontratang pinasok ng PNP sa Wer fast documentary agency sa paged-deliver ng firearm license sa mga gun holders.
Bukod dito ay hinaharap pa rin ni Pursima ang reklamong plunder kaugnay sa sinasabing hidden wealth nito.
Nasa Saudi Arabia si Purisima ng ilabas ng Ombudsman ang suspension order nito laban sa PNP chief.
- Latest