Dating provider ng MRT hiling ibalik
MANILA, Philippines – Upang agad na masolusyunan ang problema sa Metro Rail Transit (MRT), umapela sa Kamara ang private owners nito na ibalik ang dating maintenance provider ng train line system.
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, iginiit ni Robert Sobrepena, chairman ng MRT holdings na hindi ang planong buy out ang sagot sa mga dinaranas nitong problema ngayon dahil kung tutuusin ang gobyerno naman na talaga ang nagpapatakbo rito.
Matatandaan na sa 2015 national budget P54 bilyon ang inilaan para sa MRT buy out.
Iminungkahi ni Sobrepena na ibalik ang dating pinaiiral na single point of responsibility policy sa MRT at ibalik ang serbisyo ng Sumitomo Corporation.
Iginiit pa nito na hanggang 2012 ay ganito ang sistemang pinaiiral at wala namang nagiging problema hanggang sa palitan ang maintenance provider ng MRT at gawing PH Trams.
Sa pagtaya nito, nasa 150 bilyon dolyar ang pondong kailangan para sa full rehabilitation ng MRT.
Sila sa MRTH ay ilang beses nang nagbigay ng rekomendasyon para sa upgrading ng MRT ng walang gagastusin ang gobyerno subalit hindi naman sila pinakinggan.
- Latest