Garin pagsusuotin ng protective gear sa Senado
MANILA, Philippines – Nais ng mga senador na pagsuotin ng protective gear si acting Health Secretary Janette Garin matapos mabatikos ang ginawang pagtungo sa Caballo island kung saan naka-quarantine ang mga Pinoy peacekeepers na binabantayan sa Ebola virus.
Sa deliberasyon kahapon ng 2015 national budget, tinanong ni Senate Majority Leader Tito Sotto si Sen. Chiz Escudero, chairman ng Committee on Finance, kung matitiyak ba nito ang pagdating ni Garin sa Senado kahit pa nanggaling ito sa Caballo island.
Isasalang sa Lunes ang panukalang budget ng DOH sa Nobyembre 24, 2014.
“She can always wear protective gear Mr. President,” pagbibiro ni Escudero.
Pero ayon kay Sotto, hindi makikita ng mga senador ang ekspresyon ng mukha ni Garin kung nakasuot ito ng protective gear.
Sumagot naman si Escudero na pagbibigyan nila kung ano man ang hilingin nitong isuot ni Garin.
“Thank you. We were told that the reason they went there and that goes also for the chief of staff of the armed forces, the reason is that they want to allay the fears of the troops. What about our fears?” pahayag ni Sotto.
Dahil dito, hihilingin ni Sotto na huwag munang ituloy ang pagtalakay ng Senado sa budget ng DOH sa Lunes.
Hihilingin niya kay Escudero na iurong ang pagdinig, lagpas sa 21 araw na dapat quarantine simula nang pagbisita ni Garin sa isla.
Giit ng senador, nag-iingat lamang sila.
- Latest