Piskal tiklo sa entrapment
MANILA, Philippines - Nakapiit na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang prosecutor matapos arestuhin ng mga ahente ng NBI sa Quezon City sa isang entrapment operation kahapon matapos mangotong umano sa isa sa mga doktor na kabilang sa “Morong 43”.
Kinilala ang suspek na si Assistant City Prosecutor Raul Desembrana ng Quezon City Prosecutor’s Office.
Dinakip si Desembrana kahapon ala- 1:00 ng umaga, sa loob ng isang restaurant sa Quezon Memorial sa aktong tumatanggap ng halagang P80,000 mula sa isang abugado, na naglo-lobby para sa kaniyang kliyente na may kinakaharap na reklamong Unjust Vexation.
Kahapon ay isinailalim umano siya sa inquest proceedings kaugnay sa kasong Direct Bribery o paglabag sa Article 210 ng Revised Penal Code, paglabag sa Code of Ethical Standards for Public Employees at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na ihahain naman sa Office of the Ombudsman.
Makailang ulit na umanong humingi ng pera si Desembrana kay Dr. Alex Montes at sa abugado nito kaya nagsumbong na sila kay Justice Secretary Leila de Lima, na hindi umano nagdalawang-isip na ipadakip ang suspek kahit makamamantsa ang ulat para sa kanilang hanay. (Ludy Bermudo)
- Latest