P200,000 reward vs kidnaper na rapist
MANILA, Philippines - Magkakaloob ng halagang P200,000 bilang pabuya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa sinumang makapagbigay ng impormasyon para sa mga suspects na sangkot sa pagdukot at panghahalay sa dalawang estudyante sa Makati City.
Nais ni MMDA Chairman Francis Tolentino na kaagad na madakip ang mga suspek kung kaya’t nag-alok ang tanggapan nito ng pabuya.
“We have to take these incidents seriously and act quickly for the arrest of the suspects,” ayon kay Tolentino.
Nabatid pa kay Tolentino, na maglalagay pa sila ng dagdag CCTV sa bisinidad ng Magallanes Interchange upang dagdagan pa ang kasalukuyang monitoring system.
Bukod dito, hihilingin niya sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na magtalaga pa ng dagdag na tauhan upang masugpo ang naturang krimen.
Nabatid na ang pinakahuling biktima umano ay ang isang 21-anyos na estudyante na umano’y dinukot at ginahasa ng apat na kalalakihang sakay ng isang van sa may Magallanes Interchange.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Glenda, noong Setyembre 30 ng taong kasalukuyan, alas-6:30 ng gabi, pauwi na siya galing eskwelahan habang naglalakad sa may EDSA-Magallanes Interchange, Makati City nang mapansin niyang may van na mabagal ang takbo at nakasunod sa kaniya.
Noon lamang nakaraang linggo, isa ring 14-anyos na estudyante ang dinukot at minolestiya at sa kabutihang palad ay nakatakas mula sa kamay ng suspek.
- Latest