Nagpapakalat ng Ebola scare, tutugisin ng NBI
MANILA, Philippines - Sinimulan nang tukuyin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa pagpasok sa bansa ng kinatatakutang Ebola virus.
Nabatid na inatasan ang NBI ni Justice Secretary Leila de Lima na imbestigahan ang pagkalat sa social media matapos humingi ng assistance si Health Acting Secretary Janet Garin.
Kamakailan lamang, may lumutang na online report sa pamamagitan ng Viral Ninja (safeurlpath.com) kung saan kino-quote ang isang umano’y empleyado ng DOH na umano’y kumumpirma ng kaso ng Ebola sa Quezon City, bagay na pinabulaanan ng DOH.
Ayon kay de Lima, ang mga nasa likod nito ay maaaring maharap sa reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 90 na nagpaparusa sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Ang paglabag sa nasabing batas ay isa umanong criminal liability na may katapat na parusang pagkabilanggo.
Maaari rin umanong gamitin ang Anti-Cyber Crime Law kung saan ang parusang ipapataw ay mas mabigat kumpara sa itinatakda sa ilalim ng Revised Penal Code at ilang Special Laws.
- Latest




















