VP Binay nanguna uli sa survey
MANILA, Philippines - Muling nanguna si Vice-President Jejomar Binay sa survey sa mga presidentiables sa kabila ng ginagawang pangwawasak dito ng Senado.
Nakakuha si VP Binay ng 29.3 percent na voters preference kung ngayon gaganapin ang presidential elections sa ginawang survey ng Novo Trends nitong October 24-25 mula sa 1,600 respondents sa Metro Manila.
Nang isagawa ng Novo Trends ang nasabing survey ay kainitan na ng ginagawang ‘pagwasak’ kay VP Binay sa Senate investigation sa Makati City Parking Building at umano’y Hacienda Binay sa Nasugbu, Batangas.
Pumangalawa lamang kay Binay si Pangulong Noynoy Aquino kung sakaling lumaban pa ito bilang pangulo. Nakakuha lamang si PNoy ng 13.1 percent habang sinundan naman ito ni Sen. Grace Poe na nakakuha ng 11.8 percent.
Pang-apat naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago na mayroong 7.9 percent voter preference sa ginawang survey ng Novo Trends PH.
Nasa 5th hanggang 9th place naman sina Sen. Bongbong Marcos (5.1 percent), Sen. Chiz Escudero (4.6 percent), Davao City Mayor Rodrigo Duterte (3.6), DILG Sec. Mar Roxas (3.4 percent) at Sen. Alan Peter Cayetano (3.4 percent).
Ang Novo Trends PH ay isang bagong survey firm na pinamumunuan ni dating National Statistics Office chief Carmelita Ericta.
- Latest