Airtime limit sa political ad unconstitutional -- SC
MANILA, Philippines - Pinal nang idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang aggregate airtime limit sa political advertisement ng mga kandidato sa eleksyon.
Sinabi ng korte na ang mga isyu na inilahad ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang apela ay nadesisyunan na ng hukuman at wala ring bagong argumento na naiprisinta para mabaligtad ang naunang desisyon ng SC.
Sa desisyon ng Korte Suprema noong September 2, 2014, idineklara nitong unconstitutional ang Section 9-a ng Comelec Resolution 9615 na inamyendahan ng Resolution 9631.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga kandidato na tumatakbo sa national position ay binibigyan ng 120-minute aggregate o total airtime limit na political ads sa telebisyon habang 180 minute airtime limit sa radyo.
Para naman sa mga kandidato sa lokal na posisyon, mayroon lamang aggregate o total airtime limit na 60-minuto sa telebisyon at 90-minuto sa radyo.
Ginawang batayan ng SC sa pagdedeklarang unconstitutional ng nasabing patakaran ang biglaang pagbabago ng Comelec sa kanilang dating regulasyon na mula “per station” ay ginawang “aggregate total; labag ang patakaran sa freedom of expression, speech at press freedom; labag ang patakaran sa people’s right to suffrage at ang kawalan ng pagdinig para baguhin ang regulasyon.
Unanimous ang naging botohan ng mga mahistrado ng SC sa nasabing isyu.
- Latest