Pagbusisi sa ICC sinuportahan
MANILA, Philippines – Sinusuportahan ng mga makaadministrasyong senador ang panawagan sa Senado na imbestigahan ang umano’y overprice sa pagpapagawa ng P700 milyong Iloilo Convention Center sa kabila ng mga pahiwatig na meron umanong kickback sa proyekto si Senate President Franklin Drilon at iba pang mga opisyal.
Nakiisa sina Senators Antonio Trillanes IV at Vicente Sotto III kina Senators Alan Peter Cayetano at Aquilino Pimentel III sa paghingi ng imbestigasyon sa bintang na overpricing dahil, kung hindi, maaakusahan lang ang Senado na hinahabol lang nito ang tinatawag na mga kaaway sa oposisyon.
Sinabi ni Trillanes na wala siyang nakikitang problema kung iimbestigahan ng Senado ang naturang isyu tulad ng ginawang pagpapahintulot ng Senado sa plenary session ng pagbuo ng Blue Ribbon sub-committee na nagsiyasat sa umano’y overpricing sa pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall.
Idinawit sa kontrobersiyal na Building 2 si Vice President Jejomar Binay na nabibilang sa oposisyon at ang kanyang pamilya.
Ayon naman kay Sotto, susuportahan niya ang imbestigasyon sa ICC kung ito ay “in aid of legislation.” Pinuna niya na merong hibla ng political persecution ang ginanap na mga pagdinig sa kaso ng Priority Development Assistance Fund at sa katiwaliang inuugnay kay Binay.
- Latest