Binay pinahamak sa Instagram ng anak
MANILA, Philippines - Tulad ng anak ni Janet Lim-Napoles na nag-post sa social media ng kaniyang karangyaan, mistulang ipinahamak rin ng kanyang anak si Vice Pres. Jejomar Binay dahil sa mga larawang ipinost sa kanyang Instagram account na ipinapakita ang kanilang hacienda sa Rosario, Batangas dalawang taon na ang nakakaraan.
Ginamit kahapon ni Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano ang mga larawang inilagay ni Joanna Marie Bianca Binay sa kanyang Instagram account na “Jmbilicious”
Ayon kay Cayetano, ang mga larawan ay mga ebidensiyang magpapatunay na sila ang may-ari ng kontrobersiyal na Hacienda Binay at hindi ang negosyanteng si Antonio Tiu.
Sa mga larawan na may petsang June 26, 2013 sa loob ng Hacienda kasama ng bunsong anak ni Binay ang isang lalake. Ipinost naman noong Nobyembre 3, 2013 kung saan sakay sa isang Segway ang dalagita na may caption na “sumesegway …hahaha ate sa likod inggit! Hahaha”.
Inilagay rin ang litrato ng isang mamahaling sasakyan at isang bisikleta at isa pang hiwalay na larawan sa Terrace na magarbong mansion. Ipinagmalaki rin ni Binay ang larawan ng kanilang swimming pool noong June 25, 2012 at may caption itong “Our place in Batangas” “Jump high”.
Pinatunayan rin sa nasabing Instagram account na sa nasabing property nagdaos ng Pasko ang pamilya Binay noong 2012 base sa litratong ipinost nito noong December 25, 2012 na nilagyan niya ng caption na family dinner. Isa pang larawan mismo ni VP Binay na may caption na “It’s Karaoke time” na ipinapakita ang bise presidente na may hawak na microphone.
- Latest