Sen. Bong baka lumaya
MANILA, Philippines - Posibleng makalaya pansamantala si Sen. Ramong “Bong” Revilla Jr. matapos aminin kahapon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na walang pera ang JLN Corporation na pumasok sa anumang bank account ng senador.
Sa ginawang cross examination ni defense counsel, Atty. Joel Bodegon sa pagpapatuloy ng bail hearing ni Revilla sa Sandiganbayan 1st Division, kinumpirma ni AMLC bank investigator Atty. Leigh Von Santos na wala silang nakitang anumang pondong nagmula sa korporasyon ni Janet Lim Napoles na pumasok sa kahit anong bank account ng mambabatas.
Sinabi ni Santos na tanging mga NGO lamang umano ang nakita ng AMLC na tumanggap ng pondo mula sa JLN na lalong “nagpahina” sa alegasyon ni Benhur Luy laban sa senador.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kasiyahan si Revilla sa kinalabasan ng pagdinig sa kanyang paghingi ng piyansa sa kasong plunder na kanyang kinakaharap.
Ayon sa senador, malakas ang kanyang kompiyansang lilitaw din ang katotohanan na ang lahat ng alegasyon laban sa kanya ay walang basehan.
Sa naunang pagdinig, pinatunayan ni Revilla na lehitimo ang pinagmulan ng P87 milyon na sinasabi ng AMLC na unexplained wealth.
Tahasang sinabi rin ni Revilla na ang lahat ng pera na nakita ng AMLC na inilabas at ipinasok sa kanilang bank account ay nagmula sa mga kinita niya sa pelikula, product endorsement at television shows na pawang may kaakibat na resibo at binayaran ng tamang buwis.
Muling itinakda ang pagpapatuloy ng bail hearing sa October 30.
- Latest