10 sentimo dagdag singil sa kuryente ngayong Okt.
MANILA, Philippines - Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagtataas nila ng 10 sentimo kada kilowatt hour (kWh) na singil sa konsumo ng kuryente ngayong Oktubre.
Ayon kay Meralco communications head Joe Zaldarriaga, nangangahulugan ito na ang isang kustomer na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay madadagdagan ng P20 sa kanilang bill ngayong Oktubre.
Paliwanag naman ni Zaldarriaga na ang power rate increase ay dulot ng pagtaas din ng generation charge matapos ang limang araw na tigil-operasyon ng Malampaya noong Setyembre 8 hanggang 12.
Napilitan aniyang gumamit ng mas mahal na panggatong o liquefied fuel ang Sta. Rita at San Lorenzo power plants kapalit ng natural gas na isinusuplay ng Malampaya.
Nakadagdag rin aniya sa dagdag singil sa kuryente ang pagtaas ng buwis, transmission charge at iba pa.
Noong Setyembre, nagbaba ang Meralco ng P0.58 kada kWh na singil sa kuryente.
- Latest